Magiging available na sa eGovPH Super App ang digital version ng MySSS Card bilang isa sa mga government ID na maaaring ma-access sa application, sa ilalim ng data-sharing agreement na nilagdaan ng Social Security System (SSS) at Department of Information and Communications Technology (DICT) noong Oktubre 21, 2026.
Makikita rin dito ng mga miyembro ang kanilang contribution history, kabuuang bilang ng kontribusyon, kasalukuyang membership type, at pinakabagong impormasyon tungkol sa kanilang employer.
“Our members should not have to visit multiple offices or use multiple applications just to access basic services,” ayon kay Victor Alfonso A. Limlingan, President & CEO, SSS.
Ayon sa SSS, makatutulong ang integrasyong ito upang mas madaling maberipika ng mga miyembro kung nai-post na ang kanilang mga kontribusyon at kung tama ang kanilang membership at employer information.
Inaasahan ding makatutulong ito sa mga digital workers, kabilang ang mga freelancer at online professionals, upang mas madali nilang ma-access ang mga serbisyong panlipunan ng SSS.
Nilinaw naman ng SSS na maaari nang ma-access sa MySSS Mobile App ang membership at contribution records ng mga miyembro.
Gayunman, magiging karagdagang opsiyon ang eGovPH Super App upang ma-access ang mga impormasyong ito kasabay ng iba pang serbisyo ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungang ito, layunin ng SSS at DICT na pagsamahin ang mas maraming serbisyo ng pamahalaan sa iisang digital platform.
Sa ganitong paraan, mas madali nang maa-access ng mga Pilipino ang mahahalagang serbisyo nang hindi na kailangang gumamit ng magkakahiwalay na application.
