Naaresto na gun ban ngayong eleksiyon, halos 1K na—NEMAC

Naaresto na gun ban ngayong eleksiyon, halos 1K na—NEMAC

UMABOT na sa 971 ang kabuuang bilang ng gun ban violators na naaresto sa buong bansa sa gitna ng patuloy na paghahanda para sa nalalapit na halalan sa Mayo ngayong taon.

Batay sa pinakahuling datos ng National Election Monitoring Action Center (NEMAC) nitong Lunes, Pebrero 16, 2025, nangunguna pa rin ang National Capital Region (NCR) sa may pinakamaraming lumabag na umabot sa 290, sinundan ng Region 3 na may 149 at Region 7 na may 128 gun ban violators.

Makikita sa nasabing datos na pinakamaraming pasaway sa pagdadala ng baril na walang kaukulang dokumento ay mga sibilyan na umabot sa 921, sinundan ng security guard (22), 8 mula sa Armed Forces of the Philippines, 5 mula sa PNP, 5 mula sa other law enforcement agencies, at 4 na mga dayuhan.

Sa kabuuan, nakakumpiska na ang NEMAC sa ilalim ng pangangasiwa ng COMELEC katuwang ang PNP at militar nang aabot sa 962 na iba’t ibang uri ng armas mula sa iba’t ibang operasyon ng mga awtoridad kabilang na ang ipinatutupad na checkpoints, police respone, anti-illegal drugs operation, at gun buy-bust operations.

Isang miyembro ng Philippine Air Force, arestado dahil sa ilegal na pagbebenta ng matataas na kalibre ng armas

Isang miyembro naman ng Philippine Air Force ang naaresto kamakailan sa ikinasang gun buy-bust operation sa Pasay City.

Kinilala ang suspek na si alias Gabo, 39 anyos kung saan nag-aalok ito online ng mga matataas na kalibre ng armas.

Gamit ang isang undercover na pulis na nagpanggap na posseur buyer, agad na inaresto ang Air Force personnel dahil sa ilegal na pagbebenta ng P1.2M halaga ng sniper riffle.

Kasalukuyan nang nasa kostudiya ng 3rd Special Operations Unit ng PNP Maritime Group sa Parañaque City ang suspek habang nahaharap ito sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591).

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble