NCR, posibleng isailalim sa Alert Level 4 sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases

NCR, posibleng isailalim sa Alert Level 4 sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases

POSIBLENG iakyat ng pamahalaan ang alert level status ng National Capital Region (NCR) at sa mga karatig probinsiya nito sa Alert Level 4 kapag high level na ang status ng healthcare utilization rate ayon sa Malakanyang.

Ipinahayag ito ni Presidential Spokesperson, Cabinet Secretary Karlo Nograles matapos ianunsyo ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na ilagay ang NCR sa Alert Level 4 mula sa Alert Level 3 status nito sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID-19.

Paliwanag ni Nograles, kapag nasa ‘high’ levels ang two-week growth rate ng rehiyon, average daily attack rate (ADAR), at ang healthcare utilization ang NCR ay ilalagay ito sa Level 4.

Aniya, kasalukuyan pang nasa ‘moderate’ level ang healthcare utilization rate ng NCR.

Una nang inirekomenda ng Inter-Agency Task Force (IATF) Sub-Technical Working Group (sTWG) on Data Analytics na itaas ang bed capacity sa mga ospital at Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMFs) sa NCR at karatig lugar nito (NCR Plus).

Kabilang sa NCR Plus ang mga probinsiya ng Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal.

SMNI NEWS