“TRANSPARENCY, action at accountability” yan umano ang maaring asahan ng publiko sa bagong talagang Ombudsman na si Justice Secretary Boying Remulla.
Oktubre 7, itinalaga na si Remulla sa posisyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay Remulla, gagalaw ng mabilis ang mga reklamo na may kaugnayan sa flood control projects kasabay ng kaniyang pag-upo sa posisyon.
Matatandaan na may mga reklamo nang isinampa ang DPWH sa naturang tanggapan laban sa mga Discaya, Cong. Zaldy Co, mga district engineer ng DPWH at iba pa.
Tutukan din aniya nito ang mga isasampang reklamo ng DOJ at Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Dagdag pa ng bagong Ombudsman, wala siyang papanigan, at bubuksan din niya ang committee report ng Kamara kaugnay ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Dapat din aniya na maisapubliko ang SALN ng mga opisyal ng gobyerno pero kailangan ng safeguard o guidelines para hindi malabag ang Data Privacy Law.
Nakatakdang manumpa si Remulla bilang Ombudsman sa Huwebes, habang pansamantalang hahalili si DOJ Usec. Federick Vida bilang kalihim ng DOJ.
Ang Ombudsman ay may pitong taong termino at hindi maaaring ma-reappoint. Tungkulin nito ang magsagawa ng imbestigasyon sa mga reklamo ng katiwalian laban sa mga matataas na opisyal ng gobyerno.
