Optional retirement age na 56, inaprubahan ng Kamara

Optional retirement age na 56, inaprubahan ng Kamara

Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang ibaba mula 60 sa 56 ang optional retirement age ng mga kawani ng gobyerno.

Nakakuha ang House Bill 10995 ng 209 boto pabor, walang tumutol at isang abstention.

Sa ilalim ng panukala, maaaring magretiro sa edad na 56 ang government employees na may hindi bababa sa 15 taong serbisyo sa gobyerno at hindi tumatanggap ng buwanang pensiyon dahil sa permanent total disability.

Makakatanggap naman ang mga kuwalipikadong retirado ng kaukulang benepisyo mula sa Government Service Insurance System (GSIS).

Ayon sa mga may-akda, magbibigay ito ng pagkakataon sa mahigit isang milyong kawani ng gobyerno na magretiro nang mas maaga at magbubukas din ng mga permanenteng posisyon para sa mas batang empleyado.

Kailangan pang dumaan sa proseso sa Senado at makakuha ng pag-apruba ng pangulo bago maging ganap na batas.

Follow SMNI NEWS in Twitter