IPINANAWAGAN ngayon kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na itaas sa P330 hanggang P360 suggested retail price (SRP) ng kada kilo ng karne ng baboy.
Inapela ito ng Pork Producers Federation of the Philippines for Luzon sa gitna pa rin ng pag-iral ng price cap sa mga produktong baboy.
Paliwanag ng vice president ng grupo na si Nicanor Briones, ito ay upang hindi malugi ang mga namumuhunan sa palengke na siyang apektado ng ipinatutupad na price ceiling.
Ayon kay Briones, makabubuti ito upang kapwa matulungan ang mga consumer at vendor sa kinahaharap na mataas na demand at mababang suplay ng baboy.
Magugunitang ngayong Biyernes nakatakdang magsagawa muli ng pork holiday ang ilang palengke sa Manila dahil sa naturang isyu.