Pagbibisekleta sa halip na pagmamaneho, isinusulong ng DENR

Pagbibisekleta sa halip na pagmamaneho, isinusulong ng DENR

Pagbibisikleta bilang alternatibo sa pagmamaneho ang isinusulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagdiriwang ng National Bicycle Day, dahil hindi lamang ito pang-ehersisyo kundi isa itong praktikal na paraan upang makatulong sa kalikasan.

Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel “Mitch” Cuna, malaki ang ambag ng transport sector sa greenhouse gas emissions kaya bawat pagpili na maglakad o mag-bike sa halip na magmaneho, lalo na sa maiigsing biyahe, ay may katumbas na ambag sa paglaban sa climate change.

“As I have always said, everyone can help fight climate change. When we rethink our ways of travelling, when we walk or ride a bike instead of driving, we become part of the solution to the climate crisis,” pahayag ni Sec. Juan Miguel “Mitch” Cuna, DENR.

Hinikayat din ni Cuna ang publiko na huwag lang sa National Bicycle Day magbisikleta, kundi gawing regular na bahagi ng pamumuhay ang active mobility.

Bukod sa mas malinis na hangin at mas mababang emissions, makatutulong din umano ang pagbibisikleta sa kalusugan at pagbuo ng mas maayos at mas makataong mga komunidad.

“Beyond National Bicycle Day, let us establish a culture of active mobility. If your destination is walkable or bikeable, consider increasing the number of times you walk or bike each week,” aniya.

Bilang suporta sa adbokasiya, inilunsad rin ng DENR ang Bike-to-Work Campaign para sa mga empleyado nito sa ginanap na “Pedal Forward: Bike-Yanihan for National Bike Day – Padyak Pasay” noong Nobyembre 21 sa SM by the Bay sa Pasay City.

Layuning hikayatin ang mas madalas na pagbibisikleta at bawasan ang pag-asa sa mga sasakyang de-motor.

Maglalagay rin ng greenhouse gas calculator upang mataya ng mga empleyado ang emissions na maaaring mabawasan sa pamamagitan ng pagbi-bike to work.

Panawagan ng DENR na gawing bahagi ng araw-araw na biyahe ang mas malinis at mas sustenableng transportasyon.

Dahil sa bawat pagpedal, hindi lang sariling kalusugan ang napapabuti—nakikibahagi rin sa pagprotekta sa hangin at kinabukasan ng kalikasan.

Follow SMNI NEWS in Twitter