Naging sentro ng talakayan sa Mindanao Leaders Forum ang iba’t ibang suliraning kinakaharap ng bansa na dinaluhan ng daan-daang lider mula sa iba’t ibang lugar at sektor sa Mindanao sa Davao City nitong Sabado.
Kabilang sa mga pangunahing isyung tinalakay ang korapsiyon sa loob ng gobyerno, mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, lumalalang kahirapan, tensiyon sa politika, at sigalot sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Mga problemang patuloy na nararanasan ng maraming Pilipino at inaasahang tutugunan ng mga halal na opisyal ng pamahalaan.
Gayunman, nananatili ang pangamba ng ilang mamamayan na hindi nabibigyan ng sapat na pansin ng kasalukuyang administrasyon ang mga usaping direktang nakaaapekto sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
“Why are we here?Because our people are asking honest questions. They are asking the high cost of living about jobs, and livelihood about corruption and governance, about peace and security, about national sovereignty, about where our Constitutions are. Are still serving the people or they are serving themselves?” ayon kay Ariel Capili, Core Officer, KAISA.
Kabilang sa mga dumalo at naging panauhing pandangal ang dating kalihim ng Department of National Defense (DND) at chairman ng Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP) na si Norberto Gonzales. Sa kaniyang talumpati, sinabi ng dating opisyal kung anong klaseng hirap ang dinaranas ngayon ng mga Pilipino mula sa kasalukuyang administrasyon.
“Huwag natin masyadong dadamdamin ito, don’t be hurt by this, but we have to accept the fact, that we are a very poor country, we are a mismanaged country, ninanakawan tayo ng mga sarili nating mga leader. Kung titignan mo ang kinabukasan natin, wala kang makikitang liwanag,” wika ni Noberto Gonzales, Former Chief, DND | Chairman.
Binigyang diin pa ng chairman ng PDSP na sa panahon ngayon na sinusubok ang Pilipinas, ngayon ang tamang panahon na magkaisa ang bawat Pilipino.
“’Yan ngayon ang nangyayari, ‘yan may implikasyon ‘yan, na malaki sa ano, dapat ang gawin natin… eh kayo mga leader kayo ng Mindanao, sana huwag ninyong kakalimutan na hindi lang kayo taga-Mindanao… taga-Pilipinas din kayo. We need a united people, a united nation, kaya dapat one Mindanao, one nation! ‘yan dalawa ‘yan. Huwag ninyong kakalimutan, huwag niyong ihiwalay ‘yan. Very, very, very important, dahil ‘yan ang sinisilip ng mga kaaway natin, hindi sila naniniwala na, we are united. Anong tingin sa ‘tin na mga Pilipino? ‘Yang mga Pinoy hindi na natin kailangan giyerahin ‘yan? They will destroy themselves, they are destroying themselves, we are destroying ourselves, ‘yon ang tingin ng mga kapitbahay natin sa ngayon” giit nito.
Dahil dito, hindi aniya tayo nirerespeto ng ibang bansa.
“Ang Pilipinas ay isang bansa, malungkot mang sabihin ay hindi nirerespeto ng daigdig, we are not respected by the world. Pa’no ka irerespeto?—sarili mong pangulo ninanakawan ‘yong kaban ng bayan mo? How will you respected? ‘Yan ang tingin sa atin eh, how can we be respected? Our own leaders ang politicians are the one rubbing us blind, inuubos ang yaman,” aniya.
Present din sa naturang aktibidad ang mga kilalang abogado na sina Atty. Israelito Torreon at Atty. Salvador Panelo.
“Itong impeachment is illegal, illegal nga kasi sa pinaggagawa nila binago nila ‘yong threshold,” ayon kay Atty. Salvador Panelo, Former Chief Legal Counsel, FPRRD Admin.
Ayon naman kay Atty. Torreon, dean ng Jose Maria College Foundation Inc. of Law, ang naturang forum ay hindi politika, ito aniya ang pagbibigay ng kaalaman kung ano nga ba ang tunay na estado ng bansa.
“And the purpose is really educational.”
“More information, deeper information about the present issues,” ayon kay Atty. Israelito Torreon, Dean, JMCFI College of Law.
Sa nasabing forum ay nabigyan ng pagkakataon ang mga representante mula sa iba’t ibang sektor na maipahayag ang kanilang mga hinaing at magtanong sa mga panauhing pandangal.
Ayon naman kay Kaka Randy Usman mula sa Muslim sector, nais lamang nila na maiparating sa kasalukuyang namumuno sa bansa na pansinin ang hinaing ng bawat Pilipino.
“Para malaman natin kung ano talaga ang totoo nananawagan po kami… kaya magbago na tayo,” wika ni Kaka Randy Usman, Muslim Sector.
Sa huli nagpapasalamat si Gonzales sa mga taong nag-imbita sa kaniya para makapagbigay kaalaman sa mga taga-Mindanao kung ano ang nangyayari sa bansa.
“Alam mo naimbitahan tayo, kasi maganda ‘yong konsepto ng one Mindanao at natutuwa ako na, hindi lang Mindanao, dapat buong Pilipinas din and ‘di ‘yon ang maganda.”
“Talagang grabe na ‘yong nangyayari sa bayan natin, at ang importante, talagang naghahanap ng pagbabago ang ating mga kababayan,” pagtatapos ni Noberto Gonzales.
