Pagpapabakuna ng AstraZeneca ni Mark Anthony Fernandez, naging kontrobersyal

MAINIT na usapin ngayon ang pagpapabakuna ng AstraZeneca COVID-19 vaccine ng aktor na si Mark Anthony Fernandez.

Kaugnay ito sa kumakalat na larawan ni Fernandez sa Facebook kung saan makikita na hawak nito ang certificate na nakasaad  ang “I got mine.”

Agad itong inimbestigahan at napag-alaman na 90-95% ng mga frontliners sa Parañaque ay nabakunahan na.

Ayon sa pahayag ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez, legal ang pagbabakuna kay Mark dahil may comorbidity ito.

Samantala, kahit legal pa ang pagbabakuna, patuloy na kinikuwestiyon ng publiko kung ethical ba ang desisyong ito dahil anila maraming mga senior citizens sa lugar pero bakit hindi ito ang inuna.

Kahapon ay ibinalita ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagpapabakuna ni  Mark Fernandez sa AstraZeneca COVID-19 vaccine.

Ayon kay DILG Undersecretary for Operations Epimaco Densing III, nagpabakuna si Fernandez ng AstraZeneca vaccine sa Parañaque City sa kabila na hindi ito healthcare worker.

Nagpahayag ang opisyal ng hindi pagsang-ayon sa nangyari lalo’t prayoridad na mabakunahan ng COVID-19 vaccine ang mga healthcare workers.

Ngunit dinepensahan ito ni Olivarez na aniya ay kuwalipikado ang aktor para sa susunod na prayoridad matapos ang mga frontliner dahil ito ay comorbidities.

Ayon pa kay Olivarez, may hypertension at depression si Fernandez.

“Parañaque already…vaccinating medical frontliners, next priority group are senior citizens and person with comorbidities,” aniya pa.

“As per our medical team, Mark Anthony has comorbidities,” dagdag ni Olivarez.

Sa ilalim ng prayoridad sa vaccination program ng bansa, unang mababakunahan laban sa COVID-19 ang frontline healthcare workers, susundan ito ng mga senior citizen at mga taong may comorbidities.

(BASAHIN: Parañaque, pinakaunang nabigyan ng AstraZeneca vaccine)

SMNI NEWS