Pagpapalabas ng P321-M para sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Basyang, iniutos ni PBBM

Pagpapalabas ng P321-M para sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Basyang, iniutos ni PBBM

Iniulat ng Office of Civil Defense na hindi bababa sa 12 katao ang nasawi matapos ang pananalasa ng bagyong Basyang at shear line, na nagdulot ng malawakang paglikas ng mga residente at pinsala sa imprastraktura.

Dahil dito, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalabas ng kabuuang P321 milyon para sa 34 lalawigan at pitong lungsod na naapektuhan ng kalamidad.

Ipinalabas ang direktiba sa pamamagitan ni Executive Secretary Ralph Recto, na nagsabing agad na ilalabas ang pondo sa mga benepisyaryo alinsunod sa utos ng Punong Ehekutibo.

Ayon kay Recto, magbibigay-daan ang pondo sa mga tatanggap na LGU upang matulungan ang kanilang mga nasasakupan na lumikas dahil sa masamang panahon noong nakaraang buwan at maisaayos ang mga nasirang imprastraktura.

Ang mga lalawigang makatatanggap ng tulong pinansyal ay ang Surigao del Sur, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Negros Oriental, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Misamis Oriental, Bohol, at Negros Occidental;

Kabilang din ang Capiz, Aklan, Leyte, Cebu, Catanduanes, Iloilo, Camarines Sur, Camiguin, Eastern Samar, Sorsogon, Misamis Occidental, Southern Leyte, Masbate, Lanao del Norte, Antique, at Davao de Oro;

Kasama pa ang Davao del Norte, Camarines Norte, Bukidnon, Siquijor, Zamboanga del Norte, Samar, Northern Samar, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro.

Samantalang ang mga lungsod na tatanggap ng pondo ay ang Iligan, Cagayan de Oro, Bacolod, Butuan, Cebu, Zamboanga, Iloilo, at Mandaue.

Hiniling naman ni Recto sa mga tatanggap na LGU na magsumite ng mga ulat hinggil sa paggamit ng pondo.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang administrasyong Marcos sa mga LGU sa pagpapatupad ng mga programa ng pambansang pamahalaan.

Noong Miyerkules, nakipagpulong ang Pangulo sa mga gobernador mula sa mga lalawigang lubhang naapektuhan ng Tropical Storm Basyang upang matiyak ang koordinado at mabilis na pagtugon ng pamahalaan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble