Panggigipit para sa personal na interest ang planong pagsasampa ng kaso ng office of the Ombudsman laban kay Senador Rodante Marcoleta.
Ito ang pananaw ni Atty. Raymund Batu, legal counsel ng DDS Sara All Confederation, kasunod ng planong pagsasampa ng plunder case laban sa senador kaugnay ng umano’y campaign donation na natanggap nito noong nakaraang eleksyon,
Naniniwala si Atty. Batu na taktika lamang ito ng administrasyon upang mapigilan si Marcoleta sa pagsisiwalat sa flood control anomaly at paglahok bilang senator-judge sa impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte.
“This is clearly what we call selective prosecution or selective justice, pinipili po ng mga nasa kapangyarihan kung sino ang pafilean ng kaso dahil meron silang sariling interest at pinoprotektahan,” ayon kay Atty. Raymund Batu, Legal Counsel, DDS Sara All Confederation.
Nauna nang sinabi ni Senador Marcoleta na planado umano ang mga hakbang laban sa kanya.
“Maliwanag na planado po ito, mga kababayan. Kasi dalawang linggo bago nagpahayag ang ating Ombudsman, sinabi na rin ni Ping Lacson na tila siyam pa na senador ang makukulong. Parang alam na niya ang mangyayari,’’ saad ni Sen. Rodante Marcoleta.
Sinabi ng senador na mas inuuna umanong usigin ang mga taong nagsisikap na ilantad ang katotohanan habang wala pa rin aniyang aksyon laban sa mga umanoy pangunahing responsable sa katiwalian.
‘’Nakikita po ninyo yung pattern sa mga nagdaang araw. Mas uunahin po nila yung tao na nagmamalasakit sa inyo para palitawin natin ang katotohanan. Ngunit yung taong nasa likod ng lahat ng kasalanang ito ng pagnanakaw, hanggang ngayon ay wala pa po silang ginagawang pag-uusig,’’ ani Sen. Rodante Marcoleta.
Para kay Atty. Batu, indikasyon umano ito na nasa “panic mode” ang administrasyon.
Aniya, maituturing umanong “self-preservation” o pagprotekta sa sariling interes ang mga hakbang na ginagawa laban kay Senador Marcoleta.
‘’This is what we call self-preservation and self-protection dahil sa takot nila, panic mode na sila para gawin ang lahat para proteksyunan ang sarili nila o merong pinoprotekatahan iba this is clear case kung bakit ginagawa nila ang pangigipit na ito,’’ ani Atty. Raymund Batu.
Naniniwala rin si Atty. Batu na may sabwatan umano upang mapigilan ang paglalantad ng katotohanan at ang pagpapanagot sa mga aniya’y responsable.
“Yung action nila ung kanilang kanya kanyang pahayag will only show it is conspiracy planado ng lahat. I believe ang Malakanyang ang ulo nito dahil meron silang pinorotektahan pinoprotektahan nila ang sarili nila na hindi sila maging held accountable sa napakalaking anomalya,” dagdag ni Batu.
Samantala, nagpahayag ng suporta ang DDS Sara All Confederation sa isinagawang malawakang pagtitipon ng Iglesia ni Cristo sa EDSA People Power Monument nitong Martes.
