Parusang bitay vs extra heinous crimes sa bansa, nais ibalik ni PAO Chief Acosta

Parusang bitay vs extra heinous crimes sa bansa, nais ibalik ni PAO Chief Acosta

PABOR si Public Attorneys Office (PAO) Chief Persida Acosta na ibalik ang parusang kamatayan sa sinumang masasangkot sa heinous crimes o karumal dumal na mga krimen sa bansa.

Ani Acosta, talamak nanaman ang krimen ngayon kasama na ang usapin ng rape with homicide, kidnapping na nauuwi sa pagpatay, robbery with murder at maging ang talamak na ilegal na droga o drug trafficking.

Giit ni Acosta, tanging ang parusang kamatayan lamang ang makatutulong na maibsan o masugpo ang malaking problema ng kriminalidad sa bansa.

Nakakalungkot aniya dahil parang wala nang kinatatakutan ang tao sa paggawa ng krimen ngayon.

Panahon na aniya na pag-aralan ito ng Kongreso sa lalong madaling panahon kaysa lumala pa ang nangyayaring krimen sa bansa.

Bukas ang batikang abogado na imbitahan siya ng Kongreso para mailahad nito ang pangangailangan na maisabatas na ang parusang bitay.

Aminado si Acosta na ikinababahala nito ang mga kabi-kabila ang report ng mga nawawalang bata sa lansangan at pagdami ng drug related cases sa bansa.

Sakali naman aniya na maisabatas ito, magiging katuwang ang tanggapan ng PAO para suriin ang mga taong sasalang sa parusang kamatayan.

Kung malabo o mahina aniya ang ebidensiya laban sa isang tao na nahaharap sa nasabing parusa, siya na mismo ang makikiusap sa pangulo na itigil ang parusa pero dapat maging patas din aniya ang batas na ito sa mga taong totoong nagkasala.

Abril ng kasalukuyang taon nang masamsam ang napakalaking halaga ng ilegal na droga sa Alitagtag, Batangas kung saan isang dayuhan ang nadakip ng mga awtoridad ngunit hanggang sa mga oras na ito wala pa ring resulta sa ginagawang imbestigasyon at pagtunton ng mga pulis sa pinagmulan ng bulto-bultong shabu na ito.

Isang pulis rin ang nasangkot sa karumal-dumal na pagpatay sa kapwa nito pulis sa loob mismo ng headquarters ng NCRPO.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter