PBBM, mabigat ang loob makaraang makumpirma ang pagkamatay ng 2 Pinoy sa Israel

PBBM, mabigat ang loob makaraang makumpirma ang pagkamatay ng 2 Pinoy sa Israel

NAGPAHAYAG ng labis na kalungkutan si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa natanggap na ulat na nasawi ang dalawang mamamayang Pilipino sa gitna ng nagpapatuloy na labanan sa pagitan ng Israel at Hamas.

“My heart is heavy upon hearing confirmation of the deaths of two Filipinos in Israel,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sa statement na inilabas ni Pangulong Marcos, sinabi nitong mabigat ang kaniyang loob makaraang makumpirma ang masamang balita.

Giit ng Pangulo, kinukundena ito ng Pilipinas habang patuloy na nanindigan ang bansa na hindi ito sumasang-ayon sa anumang anyo ng karahasan at terorismo.

“The Philippines condemns these killings and stands firmly against the ongoing terror and violence,” diin ni Pangulong Marcos.

Sambit pa ni Pangulong Marcos, mananatiling determinado ang gobyerno ng Pilipinas sa paghahangad ng pangmatagalang kapayapaan alinsunod sa mga resolusyon ng United Nations (UN) at international laws.

Binigyang-diin din ng Punong-Ehekutibo na hindi titigil ang gobyerno ng Pilipinas sa pagpapadala ng suporta sa mga apektadong overseas Filipino worker (OFWs) at Filipino community na apektado ng patuloy na sigalot sa pagitan ng Israeli forces at Hamas.

Una nang kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo sa kaniyang opisyal na X (dating Twitter) account nitong Miyerkules ang pagpatay sa dalawang Filipino national sa nagpapatuloy na sigalot sa naturang bansa.

Bago nito, inatasan na ni Pangulong Marcos ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na hanapin at i-account ang lahat ng OFW at kanilang pamilya sa Israel.

Ipinag-utos na rin ng Pangulo sa lahat ng ahensiyang involve sa pagprotekta sa kapakanan ng mga OFW at Filipino community, na makipagtulungan sa Philippine Embassy sa Tel Aviv at sa Migrant Workers Office (WMO) sa Israel para matiyak ang kanilang kaligtasan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter