PBBM sa concerned gov’t agencies: Magkaroon ng matibay na repatriation plans kaugnay ng gulo sa Israel

PBBM sa concerned gov’t agencies: Magkaroon ng matibay na repatriation plans kaugnay ng gulo sa Israel

HINIMOK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno, partikular ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na magkaroon ng matibay na plano sa repatriation at tuklasin ang lahat ng evacuation strategies para matulungan ang mga apektadong Pilipino sa Israel.

Nabanggit ito ni Pangulong Marcos sa kaniyang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at iba’t ibang ahensiya sa Palasyo ng Malacañang nitong Oktubre 12, 2023.

Sa pulong, muling iginiit ni Pangulong Marcos ang pagsisikap ng gobyerno sa pagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong naapektuhan ng patuloy na kaguluhan sa Israel.

Muling pinagtibay ng Pangulo ang mahigpit na pagsubaybay ng administrasyon sa kaguluhan at koordinasyon sa gobyerno ng Israel para sa mga update sa pinakabagong sitwasyon.

Ito’y upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng Pilipinong naninirahan sa bansang sinalanta ng digmaan.

Tiniyak naman ng Punong Ehekutibo sa mga mare-repatriate ang tuluy-tuloy na tulong ng gobyerno para matugunan ang kanilang agarang pangangailangan, na kinabibilangan ng pinansiyal, kabuhayan, scholarship, food assistance, at iba pa.

Ayon sa DFA, nasa 30,500 Pilipino ang naninirahan sa Israel.

Sa bilang na ito, 99% ay nagtra-trabaho bilang mga caregiver.

Mababatid na itinaas na ng DFA ang Crisis Alerts Level 2 at 3 sa Israel at sa Gaza Strip.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter