PINIRMAHAN ng Pilipinas at Cambodia ang tatlong kasunduan kaugnay ng transnational crimes, higher education, at air services bilang bahagi ng state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Phnom Penh.
Sinaksihan nina Pangulong Marcos at Cambodian Prime Minister Hun Manet ang pagpirma ng kasunduan sa bilateral meeting nitong Lunes.
Una, inamyendahan ang MOU sa pagitan ng PNP at Cambodian National Police upang palawakin ang pagtutulungan laban sa human trafficking, arms trafficking, at cybercrime. Mayroon din itong automatic renewal clause.
Pangalawa, lumagda ang CHED at Cambodia’s Ministry of Education sa isang MOU para sa palitan ng opisyal at training programs, at kooperasyon sa agham, teknolohiya, at inobasyon.
Pangatlo, nilagdaan ang Air Services Agreement na nagpapahintulot sa mga airlines ng dalawang bansa na magsagawa ng code-sharing, charter flights, at fifth freedom rights para sa pasahero at kargamento.
