Handa ang Pilipinas na pabilisin ang mga kasunduan sa extradition para mapauwi ang dating kongresistang si Zaldy Co. Ayon sa Malacañang, tama ang ulat ng pangulo hinggil sa pagkaka-detain kay Co, batay na rin sa kumpirmasyon ng embahada ng Czech Republic.
Kinumpirma ng Chargé D’affaires ng Embahada ng Czech Republic sa Pilipinas na si Eva Tenzin ang naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na na-detain ang puganteng dating kongresista na si Zaldy Co sa Czech Republic dahil sa paggamit ng invalid travel documents.
Sa Palace briefing nitong Huwebes, sinabi ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na batay sa pahayag ni Tenzin, tama ang impormasyong ibinahagi ng Pangulo na nahuli at na-detain si Co at sumailalim sa kustodiya ng Czech Republic.
“Mr. President, you are correct in your information that Zaldy Co was detained by Czech authorities due to invalid travel documents,” iyan ang mariing kinumpirma ng chargé d’affaires ng embahada ng Czech Republic sa Pilipinas. Walang pasubali, walang pagkakamali sa naging pahayag ng Pangulo para sa taumbayan,’’ ayon kay Usec. Claire Castro.
Araw ng Miyerkules, April 29, ay nakipagpulong ang Pangulo kina Tenzin at French Ambassador to the Philippines na si Marie Fontanel upang talakayin ang kaso ni Co.
Sa nasabing pulong, ipinahayag ni Marcos ang kanyang pagkadismaya sa naging pagpapalaya kay Co, na kasalukuyang nananatili sa Europa.
Iginiit din ng Pangulo ang pangangailangan ng malinaw na paliwanag mula sa mga nasabing bansa.
Binigyang-diin niya na hindi dapat maging kanlungan ang ibang bansa para sa mga indibidwal na umiiwas sa batas sa Pilipinas.
Sa kabila nito, pinagtibay ni Marcos ang matibay na ugnayan ng Pilipinas sa Czech Republic at France, na aniya ay nakabatay sa demokratikong prinsipyo at paggalang sa rule of law.
Dagdag pa ng Pangulo, handa ang kanyang pamahalaan na pabilisin ang mga kasunduan na may kinalaman sa extradition.
‘’Binigyan-diin din ng Pangulo ang kahandaan ng Pilipinas na pabilisin ang mga kasunduan ng extradition at iba pang kooperasyon sa batas,’’ saad ni Usec. Claire Castro.
Sa huli, tiniyak ng Malacañang na gagamitin ng pamahalaan ang lahat ng legal at diplomatikong hakbang upang maibalik sa Pilipinas si Co.
At mapanagot sa kinahaharap nitong mga kasong graft at malversation.
