Pilipinas, nakiisa sa ASEAN at Japan sa pagkondena sa ballistic missile launch ng N. Korea—PBBM

Pilipinas, nakiisa sa ASEAN at Japan sa pagkondena sa ballistic missile launch ng N. Korea—PBBM

NAKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Japan kasama ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa pagkondena sa aksiyon ng North Korea na naiulat na nagpaputok ng intercontinental ballistic missile patungo sa Sea of ​​Japan.

“We join Japan, together with the rest of the ASEAN, in condemning the continued threat that the launching [of] ballistic missiles by the DPRK [Democratic People’s Republic of Korea] represents,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag bago ang kaniyang talumpati sa pulong ng mga pinuno ng Asia Zero Emission Community (AZEC) sa Prime Minister’s Office sa Tokyo, na bahagi ng 50th Commemorative ASEAN-Japan Friendship and Cooperation Summit.

Inilahad ni Pangulong Marcos na habang pinag-uusapan ang tungkol sa pag-unlad ng ekonomiya sa rehiyon, nakikita nito ang adhikain tungo sa isang mapayapa at matatag na Indo-Pacific Region.

Kaya, giit ni Pangulong Marcos, ang ganitong mga mapanganib at provocative actions Democratic People’s Republic of Korea (DPRK) ay pagpapakita ng pagbabanta at pag-destabilize sa rehiyon at sa mundo.

Batay sa ulat ng coast guard ng Japan, nagpaputok ang North Korea ng isang long-range ballistic missile, na sinasabing nahulog sa dagat, kanluran ng Hokkaido.

Mabilis at inklusibong pagbabago tungo sa malinis na enerhiya, ipinanawagan ni PBBM

Samantala, nanawagan si Pangulong Marcos Jr. para sa isang mabilis at inklusibong pagbabago tungo sa malinis na enerhiya.

Ang panawagan ay sa gitna pa rin ng kaniyang paglahok sa Asia Zero Emission Community (AZEC) Leaders’ Meeting sa Tokyo.

Sa summit, sinasamantala ni Pangulong Marcos Jr. ang pagkakataon na anyayahan ang AZEC partners na mamuhunan sa mga renewable at umuusbong na teknolohiya ng Pilipinas.

Binibigyang-diin dito ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagkamit ng mga layunin ng AZEC at Paris Agreement.

Ang AZEC summit, na idinaos kasabay ng ASEAN-Japan Commemorative Summit, ay nagsisilbing framework para sa kooperasyon ng iba’t ibang bansa, na nagsisikap tungo sa pagkamit ng decarbonization at paglago ng ekonomiya sa Asya.

Ang summit ay nagtatapos sa isang joint statement na nagbibigay-diin sa pangangailangan para sa bio-derived biomass power generation at ang paggamit ng maliliit na modular reactors.

Itinuturing ito na mas ligtas kaysa sa conventional nuclear power plants.

Ito ay isang pagsisikap na madagdagan ang mga mapagkukunan ng enerhiya, lalo na sa gitna ng tensiyon sa Ukraine gayundin sa Gitnang Silangan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter