NILINAW ng Philippine Ports Authority (PPA) na walang basbas ng ahensiya at hindi awtorisado ang nangyayaring pangongolekta ng P20 na service fee sa Matnog Port.
Ito’y matapos makatanggap ang Port Management Office (PMO) ng Bicol ng kumakalat na reklamo ukol sa dagdag-singil sa mga pasahero sa pantalan.
Kasalukuyang mayroong establisyemento ang Matnog Port na One-Stop-Shop (OSS) sa labas ng terminal.
Ito’y nagsisilbing lugar kung saan dito na mismo binabayaran ang lahat tulad ng terminal fee, ferry at LGU fee.
Itinayo ito noong taong 2021 sa pakikipagtulungan ng iba pang ahensiya ng gobyerno at LGU’s para sa layuning magbigay ng mas maginhawang serbisyo para sa lahat ng mga port user.
Ipinaliwanag naman ni Port Manager Requejo, na ang nagaganap na koleksiyon ng mga ‘di awtorisadong service fee ay maikukunsidera bilang “fixing” dahil hindi umano ito kabilang sa anumang operasyon sa Matnog.
