Inanunsiyo ng Professional Regulation Commission (PRC) ang paglulunsad ng bagong disenyo at mas modernong Professional Identification Card. Bahagi ito ng modernisasyon ng ahensiya at pagsunod sa Philippine Qualifications Framework Act.
Batay sa opisyal na abiso ng PRC, ang bagong ID ay may updated na layout, content, at format. Tampok din dito ang Philippine Qualifications Framework (PQF) o ang antas ng kwalipikasyon ng isang propesyonal.
Layunin nitong gawing mas malinaw at sistematiko ang pagkilala sa credentials ng mga lisensyadong indibidwal, habang pinapaigting din ang security features nito laban sa pamemeke.
“Binago nating ‘yng anyo ng ID natin para mai-reflect natin itong mga specializations na magkakaroon ‘yng ibat ibang mga prepesyunal. Pangalawa, ang paglalagay natin ng QR code. Desisyon ito ng komisyon para mas madaming data o information patungkol sa propesyunal ang malalaman.”
“At ang pangatlo, nain ang itsura ng professional ID card para ma-enhance natin ang security nito,” ayon kay Asst. Comm. Lord Louis Valera, Professional Regulation Commission.
Ayon sa PRC, malaking tulong ang bagong ID para sa mas mabilis na beripikasyon ng pagkakakilanlan at propesyon ng isang cardholder, mapa-transaksyon man dito sa Pilipinas o maging sa ibang bansa.
Tampok sa bagong professional ID ang isang QR code. Sa isang simpleng scan, agad lalabas ang kumpletong impormasyon ng isang propesyonal, mula sa pangalan, registration number, at validity, hanggang sa CPD compliance at PQF level nito.
Paliwanag ni PRC Assistant Commissioner Louis Valera, halos lahat ng bansa ay mayroon nang National Qualifications Framework. Ito ay isang sistema na kumikilala sa antas ng kasanayan at kaalaman ng isang eksperto base sa global standards. Kaya naman, hindi na nagpahuli ang ahensya na i-modernize ang sistema sa bansa.
“Mahalaga na meron tayong ganito kasi mas madali o quality assured na ‘yng pag-recognize ng mga qualification or credentials ng ating mga professional. Pangalawa, on the side of clients or employers, mas madali na nila ngayon matukoy kung ano ‘yng bitbit na competency or qualification ng professional sa pamamaraan lang ng pag-scan ng QR code nila,” saad ni Valera.
Nilinaw naman ng PRC na ang pagkuha at pag-renew ng ID ay maaari pa ring gawin sa pamamagitan ng kanilang online system. Sa sandaling mag-renew ang isang propesyonal, ang bagong disenyo na ang awtomatikong ibibigay ng ahensya.
Sa gitna ng mga pagbabagong ito, tiniyak ni Valera na patuloy na tinututukan ng PRC kung paano pa mapapalawak at mapapabuti ang kanilang serbisyo.
Katuwang ang iba’t ibang komite, sisiguruhin ng ahensya ang kalidad ng implementasyon nito sa lalong madaling panahon.
