NAGBIGAY ang pribadong sektor ng iba’t ibang rekomendasyon upang mapabuti ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Ito ay sa gitna ng pulong sa Malacañang na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama ang mga kinatawan ng private sector nitong Miyerkules, Abril 26.
Tinalakay sa meeting ang mga update sa Kapatid Angat Lahat for Agricultural Program (KALAP).
Kasama sa mga rekomendasyon ng pribadong sektor ang pagpapabuti ng programa sa pagpapautang sa mga magsasaka.
Iminungkahi rin ang tamang implementasyon ng mga batas sa agri-agra, teknikal na pagsasanay para sa mga magsasaka, at pagkakaroon ng mas maraming post-harvest facilities sa bansa.
Pinakinggan naman ni Pangulong Marcos ang mga rekomendasyon ng pribadong sektor para sa transpormasyon ng agrikultura, maging ang mga update sa Kapatid Angat Lahat for Agricultural Program, na may layong itaguyod ang kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante.
Bawat aspeto, kabilang ang panlipunan, pangkapaligiran at pang-ekonomiya, ani Pangulong Marcos, ay isinasaayos upang makamit ang isang matibay at produktibong sektor ng agrikultura.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng public-private partnership sa pagkamit ng sustainable development at pagbabago sa agri-sector.
