Sa live demonstration na ginanap sa San Juan River, pinangunahan nina San Juan City Mayor Francis Zamora, mga opisyal mula sa MMDA at kinatawan ng Asian Development Bank (ADB) ang pormal na paglulunsad ng ClearBot Project.
Ito ay isang makabagong teknolohiyang dinisenyo para gawing mas mabilis, episyente, at high-tech ang pag-hahakot ng mga basura sa mga daluyan ng tubig.
Ang ClearBot ay gumagamit ng artificial intelligence upang matukoy at makolekta ang basura, na tumutulong para manatiling malinis, ligtas, at navigable ang mga ilog.
Sa kaniyang pahayag, binigyang-diin ni Zamora ang malaking tulong ng napiling pilot implementation para sa San Juan.
“‘Yung Clearbot po ay isang AI powered clean up bot. So, kakaiba siya kasi very high-tech. nakita niyo naman nakokontrol siya mula sa malayo. And imbes na mano-mano ang ating mga kawani ng CENRO at ng barangay at ng MMDA na linisin ang ating mga ilog, sa pamamagitan ng clearbot, ito na ‘yung maghahakot ng basura at ilalapit nila sa conveyor belt tapos inaunload,” pahayag ni Mayor Francis Zamora, San Juan City.
Batay sa karanasan ni Mayor Zamora matapos subukan ang ClearBot, sa loob lamang ng ilang minuto ay marami na ang nalinis at nahakot na basura mula sa ilog.
“It is line with our thrust to clean up our San Juan River. At ang San Juan River alam naman po natin 9.8 kilometers po ang haba niyan mula sa ibang lungsod pero ang bahagi ng San Juan ay two kilometers lamang. Unfortunately for us downstream tayo. So tayo talaga ang sumasalo sa mga basura. Ang Clearbot na ipinapakita sa atin ngayon ay isang teknolohiya na tunay na makatutulong sa atin,” dagdag ni Zamora.
Umaasa naman si Zamora na mas marami pang ClearBot ang idedeploy hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
