PINAALALAHANAN ng lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan ang mga residente nito matapos na maitala ang mataas na antas ng sulfur dioxide emission mula sa Bulkang Taal na nagdudulot ng volcanic smog (vog).
Nakikiisa rin ang lungsod sa paalala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) para makaiwas sa epekto ng nasabing vog.
- Iwasan munang lumabas kung hindi importante ang pupuntahan. Panatilihing nakasara ang mga pinto at bintana sa inyong mga bahay.
- Magsuot ng face mask bilang proteksyon.
- Ugaliing uminom ng tubig upang maibsan ang paninikip ng daluyan ng paghinga.
- Agad na magpatingin sa doktor o Barangay Health Unit kung makararanas ng matinding epekto dulot ng smog.
Ang volcanic smog (vog) ay isang uri ng polusyon sa hangin na sanhi ng mga bulkan.
Ito ay maaaring magdulot ng iritasyon sa mga mata, lalamunan, at respiratory tract na posibleng maging malubha depende sa kosentrasyon o tagal ng pagkakalanghap.
Mapanganib ang volcanic smog (vog) lalo na sa mga may kondisyon sa kalusugan tulad ng hika, sakit sa baga, sakit sa puso, matatanda, mga buntis, at mga bata.