Naglabas na rin ang Sandiganbayan 4th Division ng warrant of arrest laban kina Senador Rodante Marcoleta at dating Congressman Mike Defensor.
Kaugnay ito ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 46 (Anti-Gift Law).
May inirekomendang piyansang P30,000 para sa bawat akusado.
Ayon sa korte, may probable cause para maisyuhan sila ng warrant of arrest.
Naglabas din ang 4th Division ng Hold Departure Order laban kina Marcoleta at Defensor.
Inatasan din nito ang Bureau of Immigration (BI) na ipatupad ang naturang kautusan.
Bandang ala-1 ng hapon naman, sinabi ng 4th Division na wala pa silang natatanggap na koordinasyon mula sa kampo nina Marcoleta at Defensor para sa paglalagak ng piyansa.
Ayon sa korte, hindi kailangan ang personal na pagharap ng mga akusado kung maghahain sila ng piyansa.
Ito ay dahil mayroon nang inilabas na commitment order ang dibisyon.
Sa naturang commitment order, pansamantalang isasailalim si Marcoleta sa kustodiya ng PNP-CIDG.
Samantala, mananatili si Defensor sa Quezon City Jail.
Ito rin ang itinakda sa commitment order ng Sandiganbayan 3rd Division kaugnay ng kinahaharap niyang kasong plunder.
Si Marcoleta ay nahaharap sa tatlong bilang ng paglabag sa Presidential Decree No. 46.
Ang dalawa pa niyang kaso ay nasa ilalim ng Sandiganbayan 1st Division at 6th Division.
Maliban dito, nahaharap din sina Marcoleta at Defensor sa kasong plunder na walang inirekomendang piyansa.
Samantala, humiling ang Sandiganbayan 6th Division sa 3rd Division na pagsamahin ang kasong paglabag sa PD No. 46 at ang plunder case.
Ayon sa 6th Division, magkapareho ang mga impormasyon at mga akusado sa dalawang kaso.
Dahil dito, iginiit nitong nararapat na ma-consolidate ang mga ito.
