NAIBENTA sa halagang 1.38-M dollars sa isang auction ang sapatos na isinuot ni NBA legend Michael Jordan sa kaniyang sikat na “Flu Game” noong 1997 NBA Finals.
Una nang naibenta sa isang auction ang sapatos 10 taon na ang nakalipas sa halagang 105 thousand dollars.
Sinasabing ang naturang sapatos na itim at pula ang kulay ay parte rin sa kasaysayan ng Chicago Bulls dahil sinuot ito ni Jordan nang masungkit ng koponan ang kanilang anim na NBA titles noong 1990s.
Hinggil sa tinaguriang “Flu Game”, naging tie para sa 1997 best-of-seven NBA Finals ang Chicago Bulls at Utah Jazz kung saan mayroon ang bawat koponan ng dalawang panalo bago ang game five.
Ang hamon ay nagkasakit pa sa panahong ito si Jordan subalit pinilit niyang maglaro pa rin para sa Bulls.
Ang magandang balita, naipanalo ni Jordan sa pamamagitan ng isang 3-point shot ang bulls sa iskor na 90-88 noong 1997.