Hinimok ni Sen. Win Gatchalian ang National Irrigation Administration (NIA) na ibalik ang detalyado at itemized na paglalaan ng pondo sa kanilang mga proyekto upang matiyak ang tamang paggamit ng pondo at mapanatili ang tranparency.
Binigyang-diin iyan ni Gatchalian sa 2026 budget deliberation ng NIA sa Senado nitong Huwebes, Oktubre 16.
Aniya, noong 2022 at 2023 ay malinaw na naka-itemize ang mga proyekto ng NIA sa General Appropriations Act.
Ngunit sa mga budget ng 2024 at 2025, pinag-isa na lamang ang malalaking halaga ng pondo.
“The more details we have, the better for transparency,” wika ni Sen. Win Gatchalian.
Sa 2024 budget, pinagsama sa iisang kategorya ang national at communal irrigation systems na nagkakahalaga ng P22.2 billion at P6.7 billion.
Sa 2025, nanatili ang parehong sistema na may halagang P8.2 billion at P3.8 billion.
Ayon kay Gatchalian, mas malinaw ang paggastos kung mas detalyado ang budget lalo na’t umabot sa P30 bilyong ang inilaan sa national at communal irrigation systems noong nakaraang taon.
Ipinunto rin ni Gatchalian ang biglaang pagtaas ng pondo sa Establishment of Pump Irrigation Projects (EPIP)—mula P1.72 billion sa National Expenditure Program, tumaas ito sa P18.61 billion sa 2024 General Appropriations Act.
Iginiit ni Gatchalian na kailangang maging mas bukas at malinaw ang NIA sa paggamit ng pondo upang maiwasan ang katiwalian at matiyak na napupunta ito sa mga proyektong tunay na makikinabang ang mga magsasaka
