Bago ang arraignment, binawi ng kampo ni Senador Rodante Marcoleta ang inihaing motion to quash, o kahilingang ibasura ang kasong plunder na nakabinbin sa Sandiganbayan Third Division.
Ito ay para mabasahan na siya ng sakdal at mapabilis na ang paglilitis sa kaso.
Nauna nang na-arraign noong nakaraang linggo ang mga kapwa niya akusado na sina dating Congressman Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray.
Nag-ugat ang kasong plunder sa alegasyong tumanggap si Marcoleta ng P75 milyong campaign donation mula sa kanyang mga kapwa akusado noong siya ay kongresista pa, at hindi umano ito idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Matapos kumpirmahin ni Marcoleta kay Sandiganbayan Third Division Chairperson Karl Miranda na boluntaryo niyang binabawi ang motion to quash, pinayagan ito ng korte.
Pagkatapos nito, agad na ipinag-utos ng korte na mabasahan ng sakdal si Marcoleta.
Kasunod nito ay isinagawa ang arraignment, kung saan naghain si Marcoleta ng not guilty plea sa kasong plunder.
Sa hiwalay namang kasong paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na tumanggap ng regalo, muli ring itinanggi ng senador ang mga paratang.
Kasama niyang na-arraign sa kasong paglabag sa PD 46 si Espiritu na nagpasok din ng not guilty plea sa korte.
Samantala, sa arraignment naman sa Sandiganbayan 4th Division para sa isa pang bilang ng kasong paglabag sa PD 46 ng senador, naghain din ito ng not guilty plea.
Ang kapwa niyang akusado dito na si Defensor, not guilty plea din ang inihain.
Bago ito, nag-manifest ang dalawa na huwag na silang basahan ng case information at dumiretso na sa paghahain ng plea.
Bagama’t bailable ang kasong paglabag sa PD 46, hindi muna nagpiyansa si Marcoleta habang nakabinbin pa ang kanyang mosyon na payagang makapagpiyansa sa non-bailable na kasong plunder.
Si Defensor, naghain ng bail noong July 15 sa piyansang P30,000.
Patutsada naman ni Defensor sa Ombudsman, nauna pa silang pakasuhan kaysa kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Aniya, dapat nang sumunod sa kulungan si Romualdez.
‘’Itong si Martin Romualdez, dapat isunod na nila. Nauna pa kami at saka si ka-Dante Marcoleta, sandali lang sa ospital, si Bonoan, dalawang buwan na,’’ saad ni Former Cong. Mike Defensor.
