Nitóng weekend, nagsama-sama sa Parañaque City ang mga sultan mula sa iba’t ibang panig ng bansa para sa inauguration ng mga bagong lider ng Sultanate League of the Philippines (SLP), isang mahalagang pagtitipon na naglalayong pagtibayin ang kanilang samahan at pamumuno.
Ang grupo ay isang apolitical organization na binuo ng traditional Muslim and royal leaders.
Layon ng grupo na maitaguyod kapayapaan, preservation ng Muslim cultural heritage at tumulong sa community development.
“Para po ito sa pagkakaisa. Ito po ay inorganisa ng iba’t ibang probinsya, mga region, upang magkaisa sila at ayusin ang lahat ng gusot ng lahat ng Sultanate na hindi nagkakaintindihan,” pahayag ni Olo Racman, Chairman, Sultanate League of the Philippines.
Si Paranaque Sultan Hajinor Manundaya ang uupong Presidente ng grupo.
Sa panayam sa kaniya sa event, iginiit nito na magiging inclusive ang kanilang pangkat.
At yayakapin ang lahat ng sultanate tungo sa pagkakaisa nilang lahat.
“Hindi po kami namimili kung anong grupo, gusto po naming magkaisa lahat,” saad ni Sultan Hajinor Manundaya, President, Sultanate League of the Philippines.
“Ako po iyong kanilang napili bilang Pangulo po ng mga Sultanate. Ibig sabihin ako rin iyong Sultan ng Paranaque, hindi po sultan ng Pilipinas. Ako po ay namumuno rin, bilang President lang po. Baka iba ang maisip ng mga kapatiran po. Hindi po, gusto ko po iyong nagkakaisa po kaming lahat,” aniya.
Ang SLP ang natatanging grupo na binuo para pagkaisahin ang lahat ng Sultanate sa buong bansa.
Mahalaga ang sultanato sa kasaysayan at kultura ng Pilipinas dahil ito ang nagbigay ng mas mataas at organisadong sistema ng pamamahala, batas, at pagkakaisa sa mga pamayanang Muslim bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol.
Welcome development naman sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ang pagtatag sa Sultanate League of the Philippines.
“Mahalaga po iyan para makita ng mga bagong henerasyon kung ano iyong mga kultura. Kung saan po kami nagsimula o saan po kami nanggaling.”
“Good luck po sa officers ng Sultanate League of the Philippines. Sana po ay manapanatili niyo ang ating kultura ng Filipino Muslims,” wika ni Atty. Alimar Macasindil, Acting Regional Director, NCMF-NCR.
Magsasagawa naman ng mga aktibidad ang SLP sa buong Pilipinas para pagkaisahin ang kanilang hanay.
