BINIGYANG-DIIN ng Commission on Elections (COMELEC) na ang vote buying, malinis man ang intensyon o anuman ang sitwasyong pinansyal ay maituturing pa rin na labag sa batas ng halalan.
Iginiit ni COMELEC Spokesman James Jimenez na hindi dapat ginagawa at hindi dapat iminumungkahi sa mga botante ang anumang ideya na may kaugnayan sa vote buying.
Gayunman, nauna na ring ipinaliwanag ng COMELEC na walang tinatawag na ‘early campaigning’ sa mga kandidatong lumalabas sa mga telebisyon at iba pa, dahil hindi pa sila maikokonsiderang kandidato.
Sa ilalim ng batas, ang mga naghain ng kanilang Certificate of Candidacy (CoC) ay maituturing lamang na kandidato sa pagsisimula ng campaign period.
Itinakda ng COMELEC sa February 8 hanggang May 7, 2022 o sa loob ng siyamnapung araw ang campaign period para sa nasyonal na posisyon.
Habang magsisimula naman sa March 25 hanggang May 7, 2022 o apatnapu’t limang araw ang campaign period ng mga lokal na kandidato.