TINANGGAL sa kanilang mga puwesto ang 15 personnel ng Valenzuela City Police dahil sa umano’y pagkakasangkot sa kasong robbery-extortion.
Sa report, tatlo sa mga pulis ang naaresto sa isang entrapment operation na isinagawa ng Philippine National Police–Integrity Monitoring and Enforcement Group sa Brgy. Malinta nitong Mayo 7, 2025.
Nag-ugat ang operasyon matapos maghain ng reklamo ang isang babaeng complainant dahil tinakot umano siya ng mga suspek na pulis na sasampahan ang kaniyang kasambahay ng kasong pagnanakaw kung hindi siya magbibigay ng P100K.
Dahil dito, nagbigay na muna ng paunang P5K ang complainant at isang post-dated check na nagkakahalaga ng P50K bago ito humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Ang 12 iba pang pulis ay inalis sa pwesto upang bigyang-daan ang patas na imbestigasyon hinggil dito.
