2 NPA na sangkot sa pagpaslang kay Kieth Absalon, arestado

2 NPA na sangkot sa pagpaslang kay Kieth Absalon, arestado

Naaresto sa Antipolo City, Rizal ang dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) na kinasasangkutan sa pagtatanim ng bomba na ikinasawi ng dating Far Eastern University (FEU) football player na si Kieth Absalon at ng kaniyang pinsang si Nolven noong Hunyo 2021 sa Masbate City.

Kinilala ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga dinakip sa mga alias na “Ka Gemo” at “Ka Dayo.”

Naaresto ang mga suspek sa kanilang pinagtataguan sa Barangay Bagong Nayon noong Nobyembre 18, pasado alas-10:30 ng gabi.

Si Gemo ang deputy secretary ng Bicol Regional Party Committee (BRPC) na itinuturing na number 9 provincial most wanted person sa Masbate, habang si Ka Dayo naman ang nagsisilbing acting secretary ng Sub-Regional Committee 1 ng BRPC.

Ayon sa CIDG, may kabuuang 14 warrants of arrest ang mga suspek kaugnay ng mga kasong multiple murder, multiple attempted murder, frustrated murder, multiple frustrated murder with damage to property, direct assault with frustrated murder, at kidnapping with murder na ipinalabas ng korte.

Nakumpiska rin mula sa mga suspek ang isang caliber .45 pistol, dalawang magazine, at 12 live ammunition, na may kabuuang 15 piraso ng mga nakumpiskang gamit.

Lumalabas sa imbestigasyon na kabilang ang dalawang suspek sa pagpaplano ng pagtatanim ng bomba na sumabog habang nagbibisikleta sina Absalon at Nolven noong Hunyo 6, 2021 sa Barangay Anas, Masbate City.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng CIDG Rizal Provincial Field Unit ang mga naaresto at mga nakumpiskang ebidensiya para sa karagdagang proseso at disposisyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter