30M dosis ng Novavax vaccine supply agreement, pipirmahan ngayong araw

NAKATAKDANG pirmahan ng pamahalaan ang supply deal ng mga bakuna kontra COVID-19 mula sa American drug maker na Novavax ngayong araw, Marso 10.

Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na 30 milyong Covovax vaccines ang nakapaloob sa naturang kasunduan.

Ngunit ayon kay Roque, hangga’t hindi pa napipirmahan ang naturang supply agreement, hindi pa maaaring ibunyag kung magkano ang kabuuang gastos sa procurement o pagbili sa mga bakuna.

Bumiyahe sa India si vaccine czar Carlito Galvez Jr. kasama ang iba pang vaccine expert panel para siguruhin ang naturang kasunduan at umapela para sa deployment ng dosis ng Covavax sa pangalawang kwarter ng taon.

Nakabase sa Estados Unidos ang Novavax ngunit ang mga bakuna nito na tinatawag na Covavax ay ginagawa sa Serum Institute of India.

Dagdag ni Roque, nilagdaan na rin ng pamahalaan ang supply agreement para sa isang milyong dosis ng mga bakuna mula sa Sinovac Biotech, pati ang order para sa 13 milyong dosis ng bakuna ng Moderna Incorporated na isa ring American drug maker.

Kasalukuyan na rin aniyang ginagawa ang kasunduan para sa 7 milyong dosis ng bakuna ng Moderna para sa mga pribadong sektor.

Ang supply agreement naman para sa single-dose vaccine ng Johnson & Johnson ay isinasagawa na rin.

Nasa pangalawang linggo na ng pag-roll-out ng bakuna ang Pilipinas matapos dumating sa bansa ang mga bakunang gawa ng Sinovac at AstraZeneca.

Ayon kay Roque, base sa datos ng Department of Health noong March 7, nasa 35,669 healthcare workers na ang naturukan at marami pa ang mababakunahan dahil tumataas na rin ang vaccine confidence.

Ngunit hindi nabanggit ng presidential spokesperson kung ilang sundalo at pulis na ang nabakunahan sa kasalukuyan.

Mahigit 460,000 vials na rin mula sa naturang dalawang manufacturer ang naipamahagi na sa buong bansa.

Muli namang iginiit ni Roque na naging mahusay ang COVID-19 response ng Pilipinas kung ikukumpara sa ibang mas mayayamang bansa na may mga makabagong kagamitan sa ospital.

Aniya nasa ikatatlumpung pwesto lamang ang bansa pagdating sa total cases ng COVID-19.

Kung ikukumpara rin ang bilang ng mga nasawing indibidwal, mas mababa pa rin ang bilang ng Pilipinas mula sa mga developed countries.

Sa kasalukuyan, tatlo pa lamang na COVID-19 vaccine ang binigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration sa Pilipinas kabilang ang Pfizer, AstraZeneca at Sinovac.

SMNI NEWS