NITONG Biyernes, inanunsiyo ni Executive Secretary Lucas Bersamin kung sinu-sino ang Cabinet secretaries na mananatili sa kanilang posisyon makaraan ang kautusang courtesy resignations ni Marcos Jr.
Kabilang sa magpapatuloy sa kanilang panunungkulan at paninilbihan ay ang economic team na sina:
Cabinet members na mananatili sa posisyon:
1.Cristina Aldeguer-Roque – Department of Trade and Industry (DTI)
2.Ralph Recto – Department of Finance (DOF)
3.Arsenio Balisacan – Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev)
4.Amenah Pangandaman – Department of Budget and Management (DBM)
5.Frederick Go – Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (SAPIEA)
Samantala, inanunsiyo rin ni Bersamin ang mga pagbabago sa ibang departamento at mga opisyal na hindi na mananatili sa kani-kanilang puwesto.
Si Energy Secretary Raphael Lotilla ay ililipat sa Department of Environment and Natural Resources bilang bagong kalihim, kapalit ni Maria Antonia Yulo-Loyzaga.
Ayon kay Bersamin, magpapahinga muna si Loyzaga, ngunit nananatiling bukas ang posibilidad na mabigyan siyang muli ng posisyon sa gabinete sa mga susunod na panahon.
Habang pansamantalang walang kalihim, pamumunuan muna ni Undersecretary Sharon Garin ang DOE bilang officer-in-charge.
Samantala, si Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jerry Acuzar ay itatalaga bilang Presidential Adviser for Pasig River Development na may ranggong secretary.
Papalit sa kaniya bilang bagong kalihim ng DHSUD si Engr. Ping Aliling, dating undersecretary ng naturang ahensiya.
Sa panig naman ng Department of Foreign Affairs (DFA), nakatakdang magretiro si Philippine Permanent Representative to the United Nations Antonio Manuel Lagdameo pagsapit ng Hulyo 31.
Papalit sa kaniya si DFA Secretary Enrique Manalo, habang si dating Ambassador at Foreign Affairs Undersecretary Tess Lazaro ang itatalaga bilang bagong kalihim ng DFA simula rin sa Hulyo 31.
Sa kabilang banda, tinanggihan ni Marcos Jr. ang courtesy resignation ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ayon kay Bersamin, ang mga opisyal ng gabinete na nagsumite ng kanilang courtesy resignation ay dadaan pa sa masusing pagsusuri bago maglabas ng pinal na desisyon ang Pangulo ukol sa kanilang pananatili o pag-alis sa puwesto.
“Yung mga ibang aksyon sa courtesy resignation ng ibang Cabinet Secretaries, in the coming days magkakaroon ng more careful evaluation. Ang urgent kasi itong economic theme. Maybe after Wednesday, there will be more announcements to be made,” ayon kay Lucas Bersamin, Executive Secretary.
Ibinunyag din ng opisyal na umaabot na sa 52 opisyal ng pamahalaan ang nakapagsumite ng kanilang courtesy resignation.
