Iginiit ni Senator Bam Aquino na hindi katanggap-tanggap na 60 classrooms lamang ang nakumpleto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula sa target na 1,700 para sa 2025.
Binigyang-diin niya na bunga ito ng mismanagement at sobrang pagtutok sa flood control projects habang napapabayaan ang paggawa ng silid-aralan.
Isinusulong niya ang Classroom-Building Acceleration Program o CAP Act upang maresolba ang higit 165,000-classroom gap sa loob ng anim na taon.
Sa ilalim nito, papayagan na ang local government units, civil society organizations at public-private partnerships na tumanggap ng pondo basta’t susunod sa standards ng Department of Education (DepEd) at sa price cap na P1.8 milyon bawat silid.
Nilinaw ni Aquino na bahagi pa rin ang DPWH sa programa ngunit dapat mas mahigpit ang presyo at performance.
Pinuri din niya ang P1.38-trillion education budget at hinimok ang publiko na bantayan ang bicameral conference committee upang matiyak na hindi mababawasan ang pondo para sa edukasyon.
