65% ng bansa walang internet, SIM registration apektado –DICT

65% ng bansa walang internet, SIM registration apektado –DICT

PLANO ng pamahalaan na bisitahin ang mga lugar na may mahinang internet connectivity sa lalong madaling panahon para sa nagpapatuloy na SIM registration.

DALAWANG linggo matapos ang umpisa ng SIM registration ay nasa halos 10 pa lamang ng mga active SIM ang narehistro.

Ayon sa Department of Information and Technology (DICT) ay dala na rin ito ng mababang internet connectivity ng Pilipinas.

15 araw nang sinimulan ang SIM registration ay nasa 16,150,926 (9.56%) pa lamang ang narehistro mula sa tinatayang 168 million na active SIM.

Ang sitwasyon ay hindi pa dapat ikabahala, ayon sa DICT ang unang 2 linggo ay maituturing na test period pa lamang para makapag adjust ng kanilang sistema ang mga telecom companies.

Pero sa pagharap ng Inter Agency Task Force on SIM Registration, araw ng Martes aminado si DICT Undersecretary Anna Mae Lamentillo na apektado ang pagrehistro ng SIM ng mababang internet connectivity ng bansa.

Ayon kay Lamentillo, 65 percent ng bansa ay walang internet kung kayat hirap na makapag register sa mga naturang lugar.

Ayon sa National Telecommunications Commission (NTC), may mga liblib na lugar sa bansa na hindi talaga abot ng internet kung kayat kailangan na personal silang puntahan ng mga telecom companies para ma-i register.

“Going there, going in and out nagbabangka po sila … So kung hindi kailangan di sila lumalabas,” pahayag ni Atty. Ella Blanca Lopez, OIC-Commissioner, NTC.

Sa kabila nito ay siniguro naman ni DILG Undersecretary Margarita Gutierrez na agad silang nakikipag-ugnayan sa mga local government units upang masiguro na sa lalong madaling panahon ay marehistro ang SIM ng mga nasa liblib o sa mga lugar na walang internet. 

“We are coordinating with the PTES so we will be providing the actual dates kung kelan yung actual rollout kailangan po kasi ng coordination not only with the LGUs but also with the PTES,” ayon naman kay Usec. Margarita Gutierrez, DILG.

Dagdag din ng task force para sa SIM registration, nakatakda silang makipagpulong sa mga telecom companies ngayong linggo upang matukoy na rin ang mga lugar sa bansa na walang signal upang matulungan ang ating mga kababayan doon na hindi pa narehistro ang kanilang SIM.

Sa ngayon ay may 165 days na natitira para sa deadline ng SIM registration.

Sabi naman ng DICT ay handa silang mag extend ng deadline sa registration kung kinakailangan.

Follow SMNI NEWS in Twitter