PIRMADO na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kamakailan ang Executive Order 171 o ang pagpapatupad ng mababang buwis ng mga imported pork product.
Kasunod na rin ito sa rekomendasyon ng National Economic and Development Authority (NEDA) na pagaanin ang epekto ng inflation sa bansa.
Sa ilalim ng EO 171, magtatagal hanggang katapusan ng 2023 ang murang taripa na ipapatong sa produktong karne ng baboy, mais, bigas at karbon.
Dahil dito, ang mga imported na baboy ay sisingilin ng 15 percent para sa in-quota at 25 percent para sa out-quota, mais sa 5 percent para sa in-quota at 15 percent para sa out-quota, at bigas sa 35 percent.
Pero, dismayado rito ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).
Pagbibigay-diin ng SINAG, tanging mga importer at trader lamang ang makakabenipisyo sa pinirmahang EO ng Pangulo.
“It is a sad day for the agriculture sector. Only a few privileged importers and traders have benefitted and will continue to benefit in extending the EO,” ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director (SINAG).
Ipinunto pa ng SINAG, hindi man lang makakabenipisyo ang producers, consumers at ang gobyerno.
“Not the producers, not the consumers, not the government,” dagdag pa nito.
Anila, dapat mas suportahan pa ng gobyerno ang pagpapalakas sa lokal na produksyon ng mga magbababoy, magsasaka at mangingisda.
“We would have rather government support local producers instead of incentivizing a few privileged importers and farmers/raisers of other countries,” aniya pa.