EPEKTIBO ngayong araw sisimulan na rin ang implementasyon ng alert level system sa natitirang mga rehiyon sa bansa ayon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ayon kay acting Presidential spokesperson at cabinet Secretary Karlo Nograles, ang implementasyon ng nasabing sistema sa iba pang rehiyon ay mag-uumpisa ngayong araw, Nobyembre 22 hanggang 30.
Limang (5) lugar ang isasailalim sa Alert Level 3, ito ay ang:
Apayao, Mountain Province, at Ifugao sa Cordillera Administrative Region (CAR); Dinagat Islands sa Region 13 (Caraga); at Sulu sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Labing siyam na mga lugar naman ang ilalagay sa Alert Level 2 sa final phase ng alert level system implementation. Kasama rito ang mga sumusunod:
Cordillera Administrative Region
Abra
Benguet
Kalinga
Region 4-B (MIMAROPA)
Oriental Mindoro
Occidental Mindoro
Puerto Princesa
Marinduque
Romblon
Palawan
Region 13 (Caraga)
Butuan City
Surigao del Norte
Agusan del Sur
Surigao del Sur
Agusan del Norte
Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)
Basilan
Cotabato City
Tawi-Tawi
Lanao del Sur
Maguindanao
Noong Nobyembre 11, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order (EO) 151 para sa rollout ng alert level system sa buong bansa na ipatutupad sa ilalim ng apat na yugto.
Matatandaang inisyal na nagsimula ang unang phase ng naturang sistema sa Metro Manila noong Setyembre 16.
Sa kasalukuyan, nasa Alert Level 2 na ang NCR.
Samantala, nakatakda na namang mapasasama sa Phase 1 implementation ang Central Luzon, CALABARZON, Western Visayas, Central Visayas, Northern Mindanao, at Davao Region.
Nakalista naman sa Phase 2 ang Cagayan Valley, Bicol Region, at ang Zamboanga Peninsula.
Nakapaloob naman sa Phase 3 ang Ilocos Region, Eastern Visayas, at SOCCSKSARGEN habang saklaw naman sa Phase 4 ang CAR, Caraga, MIMAROPA, at BARMM.
Sa ilalim ng naturang sistema, nakatuon ang pamahalaan at local government unit sa implementasyon ng granular lockdowns mula dating community-wide quarantine restrictions.
