Basura sa Guangzhou, China, ginagawang kuryente

Basura sa Guangzhou, China, ginagawang kuryente

Hindi basta itinatapon o ibinabaon sa landfill ang basura sa Guangzhou, China. Sa halip, ginagawa itong pinagkukunan ng malinis na enerhiya at mga materyales na maaari pang pakinabangan.

Ito ang konsepto sa likod ng Fushan Circular Economy Industrial Park sa Huangpu District, isang modernong pasilidad na pinagsasama ang waste management, renewable energy production, recycling, at environmental education.

Kaya nitong magproseso ng humigit-kumulang 8,000 hanggang mahigit 9,000 tonelada ng household waste kada araw. Sa pamamagitan ng makabagong waste-to-energy technology, nagagawa nitong makalikha ng mahigit 1.2 bilyong kilowatt-hours ng kuryente kada taon, sapat upang matugunan ang pangangailangan ng tinatayang 500,000 kabahayan.

Hindi rin nasasayang ang mga natitirang materyales. Ang mga metal ay kinukuha para muling magamit, habang ang abo at slag mula sa proseso ay ginagawang eco-friendly bricks para sa konstruksiyon. Maging ang nilinis na wastewater at sobrang init ay nagagamit muli.

Ngunit higit pa sa pagiging isang industrial facility, kapansin-pansin din ang paraan ng pagpapakilala nito sa publiko.

Sa halip na manatiling karaniwang pasilidad ng basura, idinisenyo ang parke bilang isang tourist destination. Ang dating industrial smokestack ay ginawa pang mahigit 120 metrong observation tower na may café at tanawin ng buong complex.

Mayroon din itong science and education center kung saan natututo ang mga estudyante at bisita tungkol sa waste segregation, recycling, at circular economy.

Kinilala rin ito bilang National 3A Scenic Spot sa China.

Sa Fushan, ipinapakita kung paano maaaring baguhin ang dating problema sa basura tungo sa oportunidad para sa malinis na enerhiya, pangangalaga sa kalikasan, at edukasyon ng publiko.

Follow SMNI NEWS in Twitter