KINUMPIRMA mismo ni Asian Cycling Confederation President Dato’ Amarjit Singh Gill, na panauhing pandangal sa ginanap na inagurasyon, ang pagkakapili sa Pilipinas bilang host ng naturang pandaigdigang paligsahan.
Inaasahang aabot sa higit tatlongdaang (350) siklista mula sa apatnapu’t limang (45) bansa — kabilang ang China at Japan — ang lalahok sa kumpetisyon na nakatakdang ganapin mula Marso a bente-singko(25) hanggang a-trentay uno (31), sa susunod na taon.
Ang Velodrome ay isang eksaktong replika ng Velodrome Suisse sa Switzerland, at ito ang kauna-unahang indoor cycling track sa Pilipinas na pasok sa pamantayan ng International Cycling Union (UCI).
Dumalo sa makasaysayang pagbubukas sina Olympic double gold medalist Carlos Yulo, Tagaytay Vice Mayor Agnes Tolentino, Cavite Gov. Athena Tolentino, at Rep. Aniela Tolentino, kasama ang iba pang opisyal mula sa mga National Sports Associations.
Unang sumubok sa bagong pasilidad sina Ronald Oranza at Jermyn Prado ng national team, gamit ang hiniram na track bikes mula Thailand. Ayon kay Tolentino, wala pa ring sariling track bikes ang Pilipinas, ngunit nagsimula na ang pagbuo ng national track team bilang paghahanda sa darating na Southeast Asian Games sa Thailand ngayong Disyembre.
Inaasahan naman ni Vice Mayor Tolentino na magiging sentro ang Tagaytay Velodrome ng world-class cycling sa bansa.