Cignal HD Spikers, nanguna sa Pool B VS. Capital 1 Solar Spikers

Cignal HD Spikers, nanguna sa Pool B VS. Capital 1 Solar Spikers

MULING pinatunayan ng Cignal HD Spikers ang kanilang tibay sa dulo ng laban matapos padapain ang Capital1 Solar Spikers sa tatlong sunod na set, 25-21, 25-22, 25-16, sa pagpapatuloy ng PVL On Tour kahapon sa bagong-renovate na Chavit Coliseum sa Vigan, Ilocos Sur.

Bagama’t tinambakan ng matitinding pagsubok sa unang dalawang set, nanatiling kalmado at epektibo ang Cignal sa krusyal na sandali. Sa ikatlong set, agad nilang binuksan ang laban sa pamamagitan ng 6-1 run at tuluyan nang pinataob ang Capital1.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Cignal sa dalawang araw ng torneo, matapos din ang kanilang panalo sa 25-23, 25-14, 25-23 kontra Akari Chargers noong opening day. Layon ng HD Spikers na makabawi mula sa masaklap na kampanya sa nagdaang All-Filipino Conference kung saan naputol ang kanilang momentum matapos mawalan ng dalawang mahalagang manlalaro sa gitna ng season.

Sa ngayon, nangunguna na ang Cignal sa Pool B ng PVL On Tour — isang senyales ng muling pagbabalik ng kanilang lakas at determinasyon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter