Bayanihan, Bakunahan Part 4, posibleng hindi na masundan – DOH

Bayanihan, Bakunahan Part 4, posibleng hindi na masundan – DOH

INILAHAD ng Department of Health (DOH) na posibleng wala nang kasunod ang Bayanihan, Bakunahan Part 4.

Paliwanag ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, Chairperson ng National Vaccination Operations Center (NVOC), ito ay dahil sa bumababang demand sa pagbabakuna.

Mataas aniya ang vaccination rate sa ibang lugar partikular na ang National Capital Region (NCR) na umabot na sa 70% coverage ang kanilang fully vaccinated kasama ang nasa A2 Category.

Dahil dito, tututok na lamang ang pamahalaan sa mga probinsiya o syudad na mabagal ang pagbabakuna  o konti pa lang ang fully vaccinated.

Gayunpaman, nilinaw ni Cabotaje na tuloy-tuloy pa rin ang bakunahan sa mga vaccination site sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila at iba pang lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.

Samantala, iniulat ng DOH na ang Metro Manila ang pangalawa sa pinakamaraming nabakunahan sa National Vaccination Days Part 4.

Mababatid na pinalawig pa ang ika-apat na yugto ng Bayanihan, Bakunahan hanggang sa Biyernes, Marso 18.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang extended nationwide vaccination days ay ginawa upang mas marami pang indibidwal ang  mabakunahan kontra COVID-19.

Dagdag pa ni Vergeire, nasa 1.4 million (1,400,889) vaccine doses ang naiturok batay sa tala nitong Marso 14 sa ilalim pa rin ng ika-apat na round ng National Vaccination Days.

Ang naturang bilang ay malapit na sa  target na 1.8 million.

Patuloy namang maghahanap ng kapamaraanan ang DOH upang maabot ang mga lugar na mababa ang  vaccination rates.

Umaasa rin ang NVOC na makahahabol ang ibang lugar na mabakunahan ang kanilang target population, para maisailalim na rin sa Alert Level 1.

BASAHIN: Seniors, naniniwalang hindi na nila kailangan ang COVID-19 vaccines

Follow SMNI News on Twitter