Higit 300 overseas Filipino mula Ukraine, nakauwi na sa bansa – DFA

Higit 300 overseas Filipino mula Ukraine, nakauwi na sa bansa – DFA

INIHAYAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) na higit 300 sa mga Filipino mula Ukraine ang napauwi na ng gobyerno sa bansa.

Panibagong 2 batch kahapon na aabot sa 24 na Filipino seafarers mula Ukraine ang dumating na sa Pilipinas.

Ayon sa DFA, sampung seafarers ng MV Namura Queen ang dumating na kahapon ng hapon sa Pilipinas mula Ukraine.

Sa bilang na ito kumpleto nang napauwi ng pamahalaan sa Pilipinas ang buong Filipino crew members ng MV Namura.

Matatandaan unang dumating ang 11 seaman sa bansa noong Marso 10.

Samantala, kagabi dumating naman ang nasa kabuuang labing apat na Filipino crew members ng MV Marika mula Ukraine.

Ayon sa DFA, karamihan sa mga umuuwing Pilipino galing Ukraine ay mga seafarers na ngayon ay umabot na sa 271 ang naasistehan ng pamahalaan.

Sa huling tala ayon sa DFA, umabot na sa 370 overseas Filipinos ang nailikas ng pamahalaan mula Ukraine.

Sa numerong ito nasa kabuuang 310 sa mga kababayan natin mula Ukraine ang nandito na sa Pilipinas.

Habang 60 naman dito ay nailikas na sa mga karatig-bansa ng Ukraine.

Patuloy na hinihikayat ng DFA ang mga Pilipino sa Ukraine na mag-ingat at manatiling mapagbantay, at makipag-ugnayan kaagad sa mga embahada ng Pilipinas sa Warsaw at Budapest sakaling mangailangan sila ng anumang tulong.

Follow SMNI News on Twitter