Co-anchor ni Marcoleta sa NET 25, tumangging tumestigo dahil sa ‘religious grounds’

Co-anchor ni Marcoleta sa NET 25, tumangging tumestigo dahil sa ‘religious grounds’

Kanselado na ang sana’y huling araw ng bail hearing nina Senador Rodante Marcoleta, dating Congressman Mike Defensor, at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray sa October 01.

Ito ay matapos payagan ng Sandiganbayan Third Division ang hindi na pagharap sa witness stand ng anchor ng Net 25 na si Nelson Lubao.

Ayon kay Sandiganbayan Associate Justice Ronald Moreno, ‘religious grounds’ ang dahilan kung bakit nag-mosyon si Lubao na matanggal ito bilang testigo ng prosekusyon laban kay Marcoleta.

Si Lubao at Marcoleta ay parehong miyembro ng Iglesia Ni Kristo.

Hindi na tumutol ang prosekusyon na ma-exclude si Lubao matapos mag-stipulate ang depensa sa authencity ng kopya ng video ng programa na “Sa Ganang Mamayan” kung saan co-anchor ni Marcoleta si Lubao.

Ang stipulation ay kasunduan sa pagitan ng prosekusyon at depensa kung saan sinasang-ayunan nila ang ilang partikular na dokumento o ebidensya sa kaso.

Ang mga nabanggit ni Marcoleta sa naturang programa ng Net 25 ang ginawang basehan at isa sa mga ebidensya ng prosekusyon para sampahan ng plunder case ang mga akusado.

Ang kopya ng video ay naipalabas noong nakaraang bail hearing kung saan naisawalat ni Marcoleta ang dahilan kung bakit hindi niya pinangalanan ang kaniyang mga campaign donor.

Ang kopya ng video ay naibahagi sa hukuman at depensa sa pamamagitan ng USB at nagkaroon ng stipulation sa pagitan ng prosekusyon at depensa na nagbigay-daan para hindi na ipatawag sa korte si Lubao.

Dahil sa kanselado na ang October 1 hearing, tinapos na ng Sandiganbayan ang pagdinig sa bail petition nitong Lunes ng umaga, Sept. 28, 2026.

Mayroong 30 araw ang korte para resolbahin ang petisyon batay sa mga inilahad ng testigo ng prosekusyon, cross-examination ng depensa at mga ginawang paglilinaw ng mga mahistrado.

Umaasa ang korte na makapagpapalabas ng desisyon sa November 03, 2026.

Samantala, magsisimula naman sa October 08 ang main trial.

Ang prosekusyon ang unang magpipresenta ng mga ebidensya kung saan dalawang testigo ang ihaharap nila sa naturang petsa.

Giit ng prosekusyon sa korte, mahalaga ang mga testimonya nila Atty. Paula Corales na siyang nag-isyu umano ng certified copy ng deed of donations ng mga akusado, at ni Atty. Cecille Federizo na custodian ng notary public na nag-notaryo sa deed of donation ng mga ito. Ito ay para mailahad nang malinaw ang disparity o pagkakaiba sa notarial book.

Follow SMNI NEWS in Twitter