COA, hinimok na ilabas ang 2020 audit report sa PhilHealth

COA, hinimok na ilabas ang 2020 audit report sa PhilHealth

HINIMOK ni Senator Grace Poe ang Commission on Audit (COA) na isapubliko ang 2020 audit report ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ito’y upang mabigyan ang mga mambabatas ng malinaw na impormasyon sa estadong pampinansyal ng ahensiya habang tinatalakay ang 2022 national budget.

Binigyang diin ng senadora na ang COA report ang magbibigay ng credible audit sa financial condition ng PhilHealth.

Aniya, kailangang partikular na malaman kung magkano talaga ang pagkakautang ng PhilHealth sa mga ospital at healthcare workers.

Sa COA report din aniya nila malalaman kung epektibong nagagamit ang pondo para sa pangangailangan ng publiko sa kalusugan.

Sa kasalukuyan ay patuloy na idinadaing ng mga pribadong ospital ang delayed reimbursement claims ng state insurer.

PhilHealth, nangakong babayaran ang unpaid hospital claims ngayong buwan

Samantala, pinagsusumikapan na ng PhilHealth na makabayad ng claims sa ilang pribadong ospital na pinagkakautangan nito ngayong buwan.

Ito ay matapos magbabala ang ilang pribadong ospital na puputulin na ang kanilang ugnayan sa PhilHealth.

Ayon kay PhilHealth Corporate Communications Senior Manager Rey Baleña, nagdagdag na sila ng mga tauhan upang maraming empleyado ang maaaring makapagproseso ng reimbursement claims.

Dagdag pa ni Baleña, may sapat na pondo ang PhilHealth para sa mga unpaid claim.

Sinabi ng opisyal na nakapagbayad na sila ng P152 million mula Enero 2020 hanggang Oktubre 2021 katumbas ng 75% ng lahat ng claims na kanilang natanggap.

Dagdag pa nito, nagkausap na sina PhilHealth President Dante Gierran at PHAPI President Dr. Jose Rene de Grato upang matugunan ang nasabing isyu.

SMNI NEWS