IBINUNYAG ng Commission on Elections na may nangingikil ng pera sa kanila kapalit ng umano’y hacked documents.
Pero nilinaw ng komisyon na ang usapan ay idinaan lamang sa kompanya ng diyaryo na unang naglabas din ng storya sa umano’y hacking.
Sa isang interview sa media, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na hanggang ngayon ay wala pa silang nakikitang matibay na ebidensya na nagkaroon ng data breach.

Hindi din aniya kapanipaniwala ang mga ipinakitang screenshots sa umano’y nakaw na dokumento, aniya hindi na rin kasi tinatawag na absentee voters ang mga overseas voters, mali din aniya ang mga umano’y nakaw na impormasyon na galing sa Las Piñas Comelec precincts.
‘’We see no evidence of any sort of breach, but we’re working hard to validate these allegations,’’ayon kay Jimenez.
Sa kabila ng kawalan ng patunay sa umano’y panghahack sa kanilang data system ay sinabi ni Jimenez na handa nilang papanagutin sa batas ang sinuman na sinisira ang kredibilidad ng komisyon.
‘’Under the law, someone who undermines the credibility of elections is committing an election offense… It’s one of the remedies,’’dagdag nito.
Sa ngayon iniimbestigahan ng National Privacy Comission ang umano’y hacking sa server ng Comelec kung saan ipinatawag ang mga opisyal ng komisyon at ang tech Editor ng Manila Bulletin na si Art Samaniego upang pagpaliwanagin.
Binigyan ang Comelec ng hanggang January 21 sa paglabas ng resulta ng kanilang sariling imbestigasyon.
