Comelec, pinalawig ang deadline para sagutin ni BBM ang petisyon laban sa kanyang COC

Comelec, pinalawig ang deadline para sagutin ni BBM ang petisyon laban sa kanyang COC

PINALAWIG pa ng Commission on Elections (Comelec) ang panahon para masagot ng kampo ni Presidential aspirant Bongbong Marcos ang mga petisyon laban sa kanyang Certificate of Candidacy (COC).

Sinabi ngayong araw ng kampo ni Presidential aspirant Bongbong Marcos na pinagbigyan ng Comelec ang kanilang apela na mapalawig ang deadline para sagutin ang mga petisyon na layong ikansela ang kanyang COC.

Ang deadline na unang itinakda ay noong November 16- dalawang araw ang nakalipas.

Pero ayon kay Atty. Vic Rodriguez, binigyan sila ng 5-7 araw ng Comelec para masagot ang reklamo.

“Essentially lumalabas siya 5 days ang nakalagay from November 16 or until November 22,”ayon kay Atty. Vic Rodriguez.

Kinumpirma ng Comelec na pinagbigyan sina Marcos.

Sa tweet ni Comelec Spokesman James Jimenez, ngayong November 22 na ang deadline para sa submission ng reply.

Pero sa isang press conference ngayong hapon, naunang sinabi ni Jimenez na wala pang pasya ang Comelec 2nd division.

”Well PR lang nila yan, ultimately ang pagbabatayan natin is kung naglabas na nga ba talaga ang division. And so far wala pang nilalabas,”ayon kay Jimenez.

Naunang kinuwestyon ni Jimenez kung bakit nauna pa ang kampo ni Marcos na makuha ang desisyon.

“What’s wrong with that? What’s wrong with that? What’s wrong with that? Hindi naman pupwede na kayo lagi ang una sa balita,”ayon kay Rodriguez.

Ayon naman sa abogado ng mga petitioner na si Atty. Ted Te, hindi umabot sa Comelec deadline ang kampo ni Marcos.

Pero giit ng kampo ni Marcos, legal ang extension approval na ginawa ng Comelec.

Sa ngayon, may 3 na petisyon sa Comelec para ipakansela ang COC ni Bongbong.

May isang petisyon para ipa-disqualify ito sa pagtakbo sa eleksyon.

Si dating Solicitor General Estelito Mendoza ang lead counsel ni Marcos sa kaso.

Para naman sa kampo ni BBM, basura ang lahat ng petisyon na nakasampa sa poll body.

SMNI NEWS