Compound ng katunggali ni Degamo noong 2022 gubernatorial race, sinalakay ng CIDG

Compound ng katunggali ni Degamo noong 2022 gubernatorial race, sinalakay ng CIDG

SA bisa ng search warrant, pinasok ng mga tauhan ng PNP-CIDG ang isang compound ni dating Congressman Pryde Henry Teves, kapatid ni Congressman Arnie Teves.

Bukod sa mga armas, nakuha rin sa nasabing raid ay ang cash na nagkakahalaga ng 17 milyong piso.

Biyernes ng umaga, March 24, 2023, ni-raid ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang compound ng kapatid ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa Caranoche, Sta. Catalina, Negros Oriental.

Ang nasabing lugar ay isang sugar mill na pagmamay-ari ng dating congressman at dating gobernador na si Pryde Henry Teves.

Ito ang kinumpirma ni Police Colonel Thomas Valmonte, Legal Officer ng PNP CIDG.

Ayon kay Valmonte, inilabas ng korte ang search warrant laban sa dating gobernador sa Mandaue City kaugnay sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act.

Sa panayam sa tagapagsalita ng PNP na si PCol. Jean Fajardo, araw ng Biyernes March 24, 2023, isang informant ang nakapagsabi sa kanilang operatiba na nag-iingat o nagmamay-ari ang nasabing compound ng iba’t ibang uri ng matataas na kalibre ng armas.

Kasabay nito ay ang malalimang imbestigasyon kung may kaugnayan ito sa naganap na assassination kay Negros Oriental Roel Degamo.

Agad ding isinailalim sa kostudiya ng PNP ang ilang tauhan mula sa nasabing compound para sa nakatakdang inquest proceedings kaugnay sa mga nakuhang baril sa lugar.

Bukod sa armas, nakuha rin ang cash na nagkakahalaga ng 17 milyong piso.

Samantala, asahan ayon sa PNP na sa susunod na mga araw ang posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso sa mga taong sangkot rito, isa ang presidente mismo ng korporasyon na dating Congressman Pryde Henry Teves.

Mula sa nasabing raid, naniniwala ang PNP na posibleng maging bahagi ito ng mas malinaw na pangangalap ng impormasyon ay ebidensiya sa pag-uugnay sa mga Teves sa iba’t ibang uri ng kriminalidad sa Negros Oriental, kung saan ang pinakahuli rito ay ang pagkamatay ng gobernador na si Roel Degamo at walong iba pang sibilyan.

Samantala, matapos naman ang pagsuko ng mga karagdagang suspek sa Degamo slay-case, sinabi ng PNP na posibleng sa susunod na linggo ay makapagsasampa na ng kaukulang kaso ang PNP sa mga sangkot sa karumal-dumal na pamamaslang sa gobernador.

Ayon sa PNP, tila nagkakasundo ang lahat ng mga testimonya ng mga naunang limang suspek sa lima pang sumuko kamakailan.

At halos malinaw na rin aniya kung sino ang nasa likod ng pagpatay.

Follow SMNI NEWS in Twitter