SUPORTADO ng isang senador ang pagkakaroon ng karagdagang pondo para sa mga electric coops.
Pabor si Senator Sherwin Gatchalian na madagdagan pa ang pondo para sa Electric cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF) para sa susunod na taon.
Matatandaan na humihingi ang NEA ng P1.2 bilyon na alokasyon para sa ECERF sa susunod na taon o mas mataas ng 500% sa halagang ipinapanukala nito sa 2022 national budget.
Ang alokasyon para sa kasalukuyang taon kasi ay natanggap lamang nila nitong Agosto matapos ipalabas ang Special Allotment Release Order (SARO).
Para sa taong 2022 ang panukalang pondo para sa programa ng electric coops ay nasa P200-M lamang.
Ayon sa NEA mahalaga ang budget item na ito dahil taun-taon ay nakakaranas ang bansa ng bagyo at ang mga ECS ang isa sa mga madalas na apektado.
Ayon sa ahensya na ang mga ECS na nasalanta ng mga kalamidad ay madalas na napipilitang mangutang upang tustusan ang mga gastusin nila sa pagpapagawa ng mga nasirang pasilidad.
Aniya kaya isinabatas ang Republic Act no. 11039 ang ECERF law ay para masiguro na magkaroon sila ng mapagkukunang pondo nang hindi kinakailangang mangutang at problemahin ang dagdag na bayarin sa interes.
Napag-alaman na itinatag ang ECERF bilang isang standby fund para may mapagkunan ng pondo ang mga electric cooperatives para sa mga gastusin gaya ng pagkukumpuni ng mga putol na linya ng kuryente at pagsasaayos ng mga pasilidad sa tuwing may mga kalamidad.