HINDI na nakapalag pa ang isang babaeng nahulihan ng aabot sa 9,000 piraso ng ecstasy mula sa bansang Belgium.
Paliwanag ng suspek, nireto lang daw siya ni Sherry May Collantes na kasama rin sa imbestigasyon ng mga otoridad.
Sa eksklusibong kuha ng SMNI News, nagwawala ang babaeng suspek na kinilalang si Elisha Mae Y. Ilas.
Nahuli ang suspek sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa BMA St., Brgy. Tatalon, Quezon City.
Ayon sa suspek, kinuha niya ang padala na pawang mga damit lang ngunit hindi raw nito alam na may kasama itong droga.
Nakuha sa dalang bagahe ni Ilas ang aabot sa 9,948 na piraso ng ecstasy o party drugs na may street value na P16.9 million.
Ayon sa suspek, hindi sa kanya galing ang mga tabletas kundi kay Collantes.
Ayon kay Ilas, nireto lang siya ni Collantes para maghatid ng bag sa isa pa na kakilala sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa inisyal report ni IA-II Joseph L. Samson, PDEA Region 3, Port of Clark Bureau of Custom Officer Bienvenido Lacsamana Jr. at mga kinatawan ng Custom Anti-Illegal Taskforce nagmula pa sa bansang Belgium ang bag na nakapangalan kay Ilas.
Pinadaan ito sa Clark Airport kung saan isinagawa ang operasyon ng pinagsanib pwersa ng PDEA RO 3 Clark Inter Agency Drug Interdiction Task Group, PDEA-NCR, QCDO, QCPD Galas Station 11 at Bureau of Customs, Port of Clark.
Napag-alaman din mula sa suspek na dalawang beses na itong nakatanggap ng mga padalang ecstasy, saka naman nagkikita sa isang lugar para magkabayaran.
Ayon pa kay Ilas, makailang beses na rin siyang naghahatid ng mga ecstasy sa Pandi, Bulacan.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drug Act OF 2002 ang nasabing suspek.
Kasalukuyan na ring pinag-aaralan ng mga otoridad ang pagkakilanlan ng nabanggit ni Ilas na Sherry May Collantes para sa mas malalim na imbestigasyon.