TULUYAN nang ibinasura ni Mayor Belen Fernandez ang 2023 budget na inaprubahan ng mayorya ng mga konsehal sa Sangguniang Panlungsod ng Dagupan.
Magugunitang inaprubahan na ng Sangguniang Panlungsod ang budget nitong March 28, ngunit hindi ito ang sapat na budget na hinihiling ni Mayor Belen.
Una nang sinabi ni Mayor Belen, na tinanggal sa budget ang sahod ng mga job order employees kabilang na ang emergency workers, tanod, nurses, barangay health workers , lifeguards, volunteers, dahilan kung bakit nawalan ang mga ito ng trabaho simula nitong buwan ng Abril.
Kaya naman, buong tapang na ibinalik ni Mayor Belen ang budget na ito sa Sangguniang Panlungsod para muling pagbotohan.
Dagdag pa ni Mayor Belen, October 12, 2022 pa ipinasa ng kaniyang administrasyon ang kumpletong bersiyon ng budget at mga programa.