Dating Speaker Romualdez isinangkot sa flood control kickback ng dating security aide ni Zaldy Co

Dating Speaker Romualdez isinangkot sa flood control kickback ng dating security aide ni Zaldy Co

ISANG surprise witness ang lumitaw sa Senado at isinangkot ang isang mataas na opisyal ng Marcos Jr. administration sa isyu ng kickback sa flood control budget.

“Ngayon ko po napagdugtong-dugtong ‘yung naging partisipasyon ko po sa anomalya at korapsiyon na ginawa at lumalabas sa hearing na ito,” saad ni Orly Regala Guteza, dating security aide ni Cong. Zaldy Co.

Iyan ang testimonya ng surprise witness na si Orly Guteza, isang retired Marines, sa imbestigasyon ng Senado sa anomalya sa flood control.

Si Guteza ay dating security consultant ni Ako-Bicol Partylist Congressman Zaldy Co, na itinuturong mastermind sa bilyon-bilyong flood control insertions.

Ayon kay Guteza, saksi siya sa paglilipat ng pera mula sa bahay ng kaniyang dating boss patungo sa bahay ng isang mataas na opisyal ng Kamara.

“‘Yung palang pera na binubuhat namin at dine-deliver sa masamang gawain na dulot ng baha na ikinamatay ng tao at imbes na gamitin sa edukasyon, medikal na programa (ay) napupunta lang pala sa bulsa ng mga politiko,” ani Guteza.

Katunayan, para hindi mahalata ang kanilang transaksiyon, binansagan nilang “basura” ang maletang naglalaman ng milyun-milyong pera.

Bukod kay Co, may iba pa aniya siyang nakitang kongresista na sangkot.

“Ang isang ehemplo na nagdala ng pera ay si Congressman Eric Yap ng ACT-CIS Party-list. 46 na maleta ang dala niya sa bahay ni Congressman Zaldy Co sa Valle Verde 6. Pagkatapos mabilang, isinakay namin sa mga sasakyan patungo sa Horizon Residence sa Taguig,” aniya.

Itinanggi naman ni Congressman Yap ang pagkakadawit sa isyu.

“I categorically deny any involvement in the acts being alleged. I have never accepted, nor authorized, the delivery of money in connection with flood control projects,” wika ni Benguet Rep. Eric Go Yap.

Bukod kay Yap, pinangalanan din ni Guteza si dating House Speaker Martin Romualdez, na pinagdadalhan daw nila ng pera mula sa mga bahay ni Zaldy Co.

“Humigit-kumulang tatlong beses ako mismo ang personal na nag-deliver ng basura sa bahay ni Congressman Zaldy Co sa Horizon Residences sa Taguig at sa mga bahay ni Speaker Romualdez sa 42 Mckinley Street, Taguig,” dagdag ni Guteza.

Si Co ang chairman ng House Committee on Appropriations sa loob ng tatlong taon na si Romualdez ang Speaker nitong 19th Congress.

Ibig sabihin, tatlong taon nilang pinangunahan ang budget preparations sa Kamara mula 2023—2025.

“Mas maraming pagkakataon na nagde-deliver kami ng basura sa bahay ni Speaker Romualdez at sa bahay ni Congressman Zaldy Co dahil iba-iba kaming naka-detail na close-in, back-up at advance party na nagkakaroon ng rotation,” ayon pa kay Guteza.

Nilinaw ni Guteza na personal knowledge ang kaniyang inilahad sa Senado mula sa kabuuan ng trabaho niya bilang security aide ni Zaldy Co mula December 2024 hanggang August 2025.

Senate witness: Congressman Zaldy Co, dawit sa korupsiyon sa flood control

“(Sen. Rodante Marcoleta: So ‘yung delivery o ‘yung movement ng tropa nagaganap average 3 times a week?) \[3 times a week your honor]”

“(Sen. Rodante Marcoleta: Nagsimula noong December 2024? \[Yes your honor])”

“(Sen. Rodante Marcoleta: Hanggang ngayon ba ay naglilingkod ka pa kay Rep. Zaldy Co? \[Sa kasalukuyan po ay nag-resign po ako noong August 5 nitong taon na ito.])”

Binansagan ng marami bilang pinaka-corrupt na pambansang pondo sa kasaysayan ng Pilipinas ang 2025 national budget na dumaan kina Co at Romualdez.

Humiling naman si Guteza na isailalim siya sa Witness Protection Program dahil sa bigat ng kaniyang isiniwalat.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble